MANILA, Philippines – Mismong ang two-time Olympian na si Hidilyn Diaz ay naniniwala na may kakayahan siyang maghatid ng medalya kung makapaglaro sa 2016 Rio Olympics.
“Di ko po masabi pero nakikita ko talaga na may chance ako ngayon,” wika ng 24-anyos tubong Zamboanga City lady lifter.
Beterana si Diaz ng 2010 Beijing at 2012 London Olympics pero hindi pinalad na nanalo ng medalya sa 58-kilogram division.
Ibinaba siya ngayon sa 53-kilogram at napatunayan na tama ang desisyon nang itinanghal siyang kampeon sa South East Asian Weightlifting Championships noong Hunyo at Asian Championships noong Setyembre. Ang mga palarong ito ay ginawa sa Thailand.
Sa ngayon ay nagsisimula uli na palakasin ni Diaz ang pagbubuhat dahil lalahok siya sa World Weightlifting Championships sa Houston, Texas sa Nobyembre.
Makakasama niya rito si Nestor Colonia na nagkampeon din sa Asian meet sa men’s 56-kilogram division.
“Ang gusto kong buhat ay 102kg. sa snatch at 120kg sa clean and jerk para sa 122kg total. Pero depende sa coach kung ano ang ipagagawa niya. Sa ngayon ay bumabalik na uli ang lakas ko para sa World Championships,” pahayag pa ni Diaz na kasapi ng Philippine Air Force.
Kung maabot ni Diaz ang mga targets sa World event, kakapusin na lamang siya ng apat na kilogram sa gold medal performance sa London Games na ginawa ni Zulfiya Chinshanlo ng Kazakhstan na 226kg (95kg sa snartch at 131kg sa clean and jerk).
Si Diaz at Chinshanlo ay naglaban sa Asian Weightlifing Championships noong 2008 at tinalo ng Pinay lifter ang Kazakstan athlete sa 53-kg class.
“Hindi ko pa siya nakikita sa mga tournaments na sinalihan ko. May nagsasabing nag-retire na siya pero hindi ako nag-expect at patuloy ang training ko. Hopefully, sumali siya sa World Championships para makita ko paano siya maghanda at ang mga binubuhat niya ngayon,” dagdag ni Diaz.
Wala nang problema ang kanyang paghahanda dahil ibinigay ng Philippine Olympic Committee (POC) at Philippine Sports Commission (PSC) ang mga kailangan niya tulad ng strength and conditioning coach, nutritionist, psychologists at medical personnel para magabayan ng tama ang kanyang paghahanda.