Lady Bulldogs sinakmal ang korona

Ang National University Lady Bulldogs na hinirang na kampeon sa Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conference. Jun Mendoza

Lady Eagles, Valdez diniskaril sa do-or-die

MANILA, Philippines – Hindi pinayagan ng Na­tional University Lady Bulldogs na mabigyan ng momentum ang Ateneo Lady Eagles sa kabuuan ng Game Three tungo sa 25-21, 26-24, 25-19 straight sets panalo at angkinin ang Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Confe­rence title kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Sina Myla Pablo, Dindin Manabat, Jaja Santiago at Jorelle Singh ay gumawa ng 15, 11, 10 at 10 puntos at hindi lumamya ang kanilang ipinakita mula simula hanggang sa natapos ang deciding game para makumpleto ang pagbangon matapos matalo sa Game One.

“Wala naman akong ginawa. Ang sinabi ko lang sa kanila, itong isang laro na ito, i-dedicate na nila para sa sarili nila, para sa samahan nila dahil wala nang makakaagaw nito sa kanila. Nakita rin naman natin ang desire nila  dahil lamang lagi kami at habol lang ng habol ang kalaban,” ani  NU  coach Roger Gorayeb.

Ito na rin ang ikalawang titulo ni Gorayeb sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera dahil siya rin ang humawak sa PLDT na nagkampeon sa Open Conference.

May 13 kills at tig-isang block at service ace si Pablo bukod sa pitong digs at ang kanyang magandang ipinakita sa ikaw-o-ako na tagisan ang nagresulta upang siya ang kilalaning MVP sa liga.

“Si Myla tahimik na bata iyan pero kinakausap ko siya na makinig siya sa akin. Ibinalik ko lang ang confidence niya. Sinabi ko nga sa kanya na kung manalo kami siya ang Finals MVP dahil napapanahon na,” ani Gorayeb kay Pablo.

Bumangon si Alyssa Valdez mula sa single-digit output sa Game Two sa kinanang 14 puntos habang si Bea De Leon ay may 10 pero tunay na malayo ngayon ang kalidad ng Lady Eagles para makontento na lamang sa pangalawang puntos.

Nagkaroon ng pagkakataon ang Lady Eagles na maitabla ang laro nang hawakan ang set point sa second set mula sa ace ni De Leon, 24-23.

Pero hindi nila nagawang makuha ang panalo nang nagpakawala si Ma­nabat ng running kill bago nasundan ng block ni Santiago kay Jhoanna Maraguinot at natapos ang set sa attack error ni Maraquinot.

“Congratulations to NU. They played superb perfect volleyball today. We luck a lot of things basically a little of everything but this is not an excuse,” pahayag ni Valdez.

Nangibabaw ang Lady Eagles sa blocks, 7-4 at serve, 9-4, pero nagdomina ang Lady Bulldogs sa attacks,42-27 at mas mababa ng limang errors ang nagkampeong koponan, 21-26.

Ang huling tatlong puntos na nakuha ng NU sa labanan ay mula sa attack errors nina Maraquinot at Valdez at sa service error ni De Leon para tuluyang kumulapso ang naunang matayog na lipad ng Lady Eagles.

Show comments