MANILA, Philippines – Bigong maiuwi ng Gilas Pilipinas ang gintong medalya at kampeonato matapos daigin ng host team China, 78-67, sa finals ng FIBA Asia Men’s Championship sa Changsha Social Work College Gymnasium sa Hunan, China, Sabado ng gabi.
Hindi kinaya ng Pilipinas ang naglalakihang Chinese players kaya naman ang huling kalamangan na natikman nila, 15-10 ay binaligtad ng China gamit ang 12-0 run sa opening quarter, 22-15.
Sa tindi ng depensa, tanging si Andray Blatche lamang ang naka double digit score 17 markers, habang ang maaasahang si Jayson Castro ay nalimitahan sa walong puntos lamang. Ito ang unang laro ni Castro sa liga na hindi siya lumagpas ng 10 puntos, ngunit kinilala pa rin siyang best point in Asia sa ikalawang sunod na pagkakataon.
Kahit minalas sa 35.4 percent field goal ay naidikit pa ng Gilas ang laban matapos ang third quarter, ngunit pagpasok ng payoff period ay umalagwa kaagad ang China upang hilahin ang kalamangan sa 15, 65-50.
Mula noon ay hinigpitan pa lalo ng China ang kanilang depensa at hinasa pa ang opensa na upang makuha ang korona na may nakalakip na ticket patungong 2016 Rio Olympics.
Sa ikalawang sunod na pagkakataon ay nauwi sa silver medal finish ang Pilipinas, habang bronze ang 2013 champion Iran.
May pag-asa pang makasama sa Olympics ang Gilas, Japan at fourth placer Japan na maglalaro sa wild card round sa susunod na taon kasama ang runners up mula sa ibang kontinente.