Pumutok si Dondon laban sa Japan
CHANGSHA – Inamin ni Dondon Hontiveros na hindi maganda ang kanyang outside shooting sa halos kabuuan ng torneo.
Ngunit nang kinakailangan ang kanyang kontribusyon ay naibigay niya ito sa Gilas Pilipinas laban sa Japan.
Bumandera si Hontiveros sa 81-70 paggupo ng Gilas Pilipinas sa Japan para makapasok sa gold medal round ng FIBA Asia Championship sa ikalawang sunod na pagkakataon.
“Even as a missed my first attempt, I felt good with the shot. I felt something different from the previous games, making me confident I can deliver,” wika ng Cebuano hotshot.
Tumipa si Hontiveros ng 6-of-9 three-pointers para sa panalo ng Gilas Pilipinas at itakda ang finals match nila ng China kagabi.
Nagtala lamang si Hontiveros ng average na 6.9 points bago tumapos na may 18 points laban sa Japanese.
Sa unang paghaharap ng Gilas Pilipinas at Japan sa preliminary round noong nakaraang Lunes ay nagposte ang Alaska Milk stalwart ng 2 points mula sa 1-of-2 shooting.
Kontra sa Lebanon ay walang naiambag na puntos si Hontiveros.
“I really struggled early on that in some matches, I just played hard on defense to be of help to the team,” sabi ni Hontiveros.
Hindi rin maganda ang kanyang shooting sa kanilang Estonia trip, sa Jones Cup competition sa Taipei at maging sa MVP Cup.
Namayani lamang si Hontiveros kontra sa Wellington Saints ng New Zealand sa Jones Cup para akayin ang Nationals sa overtime win.
“I have to thank coach Tab for his trust in me,” ani pa ni Hontiveros.
- Latest