MANILA, Philippines – Dinaan ng National University Pep Squad sa kabuuang pagtatanghal ang ipinakitang routine para mapagtagumpayan ang tinarget na ikatlong sunod na titulo sa isinagawang 2015 UAAP Cheerdance Competition kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Hindi naging malinis ang pagtatanghal na ginawa ng two-time defending champion NU pero nakuha pa rin nila ang mataas na grado sa mga hurado upang mapanatiling kampeon sa kompetisyon.
Binigyan ng marka ng mga hurado ang tumbling, stunts, tosses, pyramid at dance at ang NU ay ginawaran ng 91.5, 70.5, 84, 88 at 340. May anim na errors sila at matapos ibawas ito ay nagtala pa rin ng nangungunang 668 puntos.
Umabot sa record crowd na 25,388 ang nanood at ang UST Salinggawi Dance Troupe ang pumangalawa tangan ang 651.5 puntos (85.5, 63, 69, 83 at minus 3 sa penalties) habang ang host UP Pep Squad na walang deductions ay pumangatlo lamang sa 610.5 puntos (77, 68.5, 56, 85 at 324).
Bago inanunsyo ang mga panalo sa cheerdance ay nagbigay ng special awards ang nagpalaro at ang UP ay kinilala bilang Best Toss at Fantastic Pyramid habang ang UST ang nanguna sa Fearless Jump.
“Their performance may not be so smooth but it’s their skills that is above class,” wika ni head judge Paula Nunag sa paggawad ng panalo sa NU.
Nagkahalaga ng P340,000.00 ang panalo bukod pa sa dagdag na P190,000.00 mula sa Smart, Yamaha Motor Philippines, Champion at Purefoods.
Tumanggap ng premyong P200,000.00 ang UST na itinanghal din bilang kampeon sa Group Stunts, habang ang UP ay mayroong P140,000 gantimpala.
Ang FEU Cheering Squad (583.5), UE Pep Squad (583), De La Salle Animo Squad (536.5), Adamson Pep Squad (513.5) at Ateneo Blue Babble Battalion (412) ang kumumpleto sa pagtatapos ng mga kasali.
Ang National University ang pumangalawa sa Group Stunts habang ang dating kampeon FEU ang pumangatlo sa pagkakataong ito.