MANILA, Philippines – Tulad ng inaasahan, magtatagpo sa Finals ng FIBA Asia Men’s Championship ang Gilas Pilipinas at ang powerhouse China.
Balik sa Finals ang Gilas matapos lagpasan ang pagsubok na inilatag ng Japan, 80-71, sa Changsha Social Work College Gymnasium sa Hunan, China, Biyernes ng gabi.
Dumating sa tamang pagkakataon ang pagputok ng laro ng team captain na si Dondon Hontiveros na nagpaulan ng anim na three points upang makakuha ng 18 puntos.
Samantala, nilaglag naman ng host team China ang defending champion Iran, 70-57.
Naging mabagal ang opensa ng Gilas sa first quarter kung saan tanging si Andray Blatche lamang ang nakaporma.
Muling nagtapos ng double-double performance si Blatche na may 22 markers at 13 boards, habang bumakas si Jason Castro ng 20 points at pitong assists.
Bukod sa titulo, paglalabanan ng Pilipinas at China ang ticket patungong 2016 Rio Olympics, habang ang matatalo ay tiyak namang kasali sa wildcard league kasama ng Iran at Japan.
Huling nagkita ang dalawang koponan nitong nakaraang taon, kung saan nasungkit ng Pilipinas ang third place sa FIBA Asia Cup matapos isuksok ni Paul Lee ang tatlong freethrows, 80-79, sa Wuhan, China.