MANILA, Philippines - Nagkaroon ng biyaya ang mga koponang naghahabol pa ng puwesto sa Final Four sa 91st NCAA men’s basketball.
Ito ay dahil may dagdag na panahon pa ang anim na koponang palaban na mapaghandaan ang huling dalawang playdates sa liga nang nakansela ang mga laro kahapon sa The Arena, San Juan City.
Ang magdamag na pag-ulan dulot ng bagyong Kabayan ang nagresulta para kanselahin din kahapon ang pasok sa mga paaralan upang sumunod din ang pamunuan ng NCAA.
Nakatakdang magsalpukan sa triple-header game ay ang Jose Rizal Heavy Bombers at San Sebastian Stags; Emilio Aguinaldo College Generals at Mapua Cardinals; at Perpetual Help Altas at Letran Knights.
Ang mga larong ito ay matutunghayan na sa Huwebes (Oktubre 8) na siyang huling laro sa elimination round.
Sa Martes ay magbabalik ang tagisan sa liga at ang mga magtutuos ay ang Cardinals at St. Benilde Blazers, Arellano Chiefs at Generals at Knights at San Beda Red Lions.
Ang Knights (12-4) at Red Lions (12-5) ay nangangailangan na lamang ng isang panalo hindi lamang para makatiyak ng upuan sa Final Four kungdi para masungkit din ang mahalagang twice-to-beat advantage.