2 home game ng Azkals ililipat sa Rizal Memorial Pitch

MANILA, Philippines - Ililipat na ang huling dalawang home games ng Philippine Azkals sa Rizal Memorial Football field para magkaroon ng mas maraming manonood na susuporta sa koponan sa ginagawang kampanya sa 2018 FIBA World Cup Russia qualifiers.

Ang Yemen ang makakalaro sa Pilipinas ng Azkals sa Nobyembre 12 habang ang huling home game ng koponan ay laban sa North Korea sa Marso 29.

Papagitna rito ang isang away-game laban sa Turmenistan sa Tashkent sa Marso 26.

“Ang laban ng Philippine Azkals at Yemen sa Novem­ber 12 ay gagawin na sa venerable Rizal Memorial Football stadium. We have requested for the chance in venue from the Philippine Sports Stadium in Bulacan to Rizal because we want to give the fans an easier ride to watch the match,” wika ni Philippine Football Federation (PFF) secretary-general Ed Gastanes.

Isang beses lamang puwedeng magpalit ng venue sa kompetisyon kaya’t ang huling home game ng Azkals ay sa nasabing venue rin gagawin.

Ang Philippine Stadium ang siyang pinagdausan sa naunang dalawang home games ng Azkals. Tinalo ng Nationals ang Bahrain, 2-1 pero natalo sa Uzbekis­tan,1-5 para magkaroon ngayon ang koponan ng 2-1 karta at makatabla ang Uzbekistan sa pangalawang puwesto sa Group H.

Pero hindi tinao ang palaruan dahil sa layo nito kaya’t nagdesisyon na ang PFF na ilapit ito.

Samantala, tutulak ang Azkals patungong Pyongyang sa Linggo para sa kanilang laro sa wala pang talong North Korea sa Oktubre 8 sa Stadium Kim II Sung.

Nananalig si Gastanes na maisasantabi ng mga manlalaro ang mahabang biyahe para makapagtala ng upset sa katunggali na ang FIFA ranking ay nasa 129th puwesto.

Ang mga Fil-European players ay kailangang lumipad muna patungong Frankfurt, Germany bago tumungo ng Beijing saka bumiyahe sa North Korea at may posibilidad na mapagod ang mga ito na makakaapekto sa ipakikitang laro.

Show comments