CHANGSHA -- Binigyan agad ng insentibo ni Samahang Basketbol ng Pilipinas president Manny V. Pangilinan ang mga kasapi ng Gilas Pilipinas matapos ng malalaking panalo na naiposte sa Iran at Lebanon sa 2015 FIBA Asia Men’s Championship.
Dumating si MVP isang araw bago hinarap ng Nationals ang Lebanon, kinausap niya ng panandalian ang mga kasapi ng koponan matapos ang laro upang pasalamatan at gantimpalaan.
“Ang ginawa namin after the game sa dugout, we congratulated them at nagbigay ng konting bonus. Sa Iran game, I told them you deserved something at saka sa victory against Lebanon,” wika ni Pangilinan.
Binigyan ng bonus ni MVP ang mga kasapi ng koponan para maipakita at maiparamdam sa kanila ang kasiyahan ng milyun-milyong Filipino ngayong umabot sila sa semifinals.
Kalaban ng Gilas ang Japan sa semis at paborito na manalo dahil tinalo nila ito sa second round, 73-66.
Magkahalong tuwa at kaba ang nararamdaman ni MVP sa inabot na ng sinusuportahang koponan.
“We’re very happy, we’re all happy and the nation is happy,” pahayag nito. “But on the other hand, we’re more nervous now as we’re in the medal round.”
Pero kung may isang bagay siyang nagugustuhan sa takbo ng koponan, ito ay ang magandang samahan ng mga manlalaro at ni coach Tab Baldwin.
“Kita mo may rhythm na si coach Tab,” pagdidiin ni Pangilinan.