Gilas pasok sa semis ng FIBA Asia

MANILA, Philippines – Balik sa semifinals ang Gilas Pilipinas matapos pabagsakin ang Lebanon, 82-70, sa quarterfinals ng FIBA Asia Championship sa Changsha Social Work College Gymnasium sa Hunan, China.

Muling binuhat ni Jason Castro at Andray Blatche ang Pilipinas para umabante sa Final Four kung saan makakasagupa nila ang Japan.

Maagang pumutok ang laro ni Castro na tumipa ng 25 points, 12 dito ay inukit niya sa opening quarter, habang double-double performance ang ibinuhos ni Blatche sa 24 markers at 17 boards.

PANOORIN: Highlights ng panalo ng Gilas kontra Lebanon

Hinatak ng Gilas ang kanilang winning streak sa anim na laro mula nang matalo sa kanilang first game kontra Palestine.

Tinalo na ng Pilipinas ang Japan sa second round ng, 73-66, ngunit hindi maaaring mag-relax ang Gilas dahil ang pagkatalo ay magreresulta sa pagkakatanggal sa torneo.

Pasok din sa semis ang defending champion Iran at ang host team at wala pang talong China.

BASAHIN: Lebanon coach sa Gilas: Easy

Ang mananalo sa torneo ay makukuha ang nag-iisang ticket patungong 2016 Rio Olympics, habang ang tatlong runners up ay sigurado naman sa qualifying league.

Magtutuos mamaya ang Pilipinas at Japan ganap na 9:30 ng gabi.

 

Show comments