MANILA, Philippines - Muling aasinta ng bagong Philippine record si Ernest John Obiena bago matapos ang taon para palakasin ang paghahabol ng puwesto sa 2016 Olympic Games sa Rio de Janeiro, Brazil.
Target ni Obiena ang makalampas sa bar na nasa 5.50-metro upang lumapit sa Olympic standard na 5.70m at makasali sa 2016 Rio Games.
Sa ngayon ay nasa 5.45m ang kanyang national record na ginawa sa PATAFA Weekly relay kamakailan.
Ito na ang ika-14 pagkakataon na winasak ng 19-anyos at 6-foot-2 pole vaulter ang kanyang national record na nagsimula sa 4.90m lamang sa pagbubukas ng taon.
“Base sa program ni coach Vitaly Petrov, dapat ay this year ko maabot ang 5.45m mark. Pero nagawa ko na kahit hindi pa tapos ang taon. Napaaga lang,” wika ni Obiena, isang second year irregular student sa UST sa kursong electronics engineering.
Si Petrov ang siyang nagtuturo kay Obiena sa Formia, Italy dahil ang Filipino pole vaulter ay isang IAAF scholar sa tulong ng dating tinitingala sa sport na si Sergei Bubka.
Pahinga ngayon si Obiena pero sa Disyembre ay sasabak muli siya sa aksyon sa UAAP at sa Weekly relay.
“Hopefully po ay ma-clear ko ang bar sa 5.50-meters para lumapit pa ako sa Olympic standard. Hopefully, by April ay na-hit ko na ang standard para magkaroon pa ako ng time to prepare sa Olympics,” dagdag nito.
Matapos ang dalawang kompetisyon ay tutulak muli si Obiena sa Italy para magsanay hanggang Enero ng 2016.
“Wala nang pahinga ito. Plano namin ay maka-compete siya at least three times every month starting next year para tumaas ang kanyang level at makuha ang standard,” wika ng ama at coach na si Emerson Obiena.
Suportado ang hangarin ni Obiena na maging ikalawang Olympian mula track and field dahil binigyan siya ng $28,000.00 pondo para sa huling tatlong buwan ng taon.
Ang Fil-Am sprinter na si Eric Cray ang natatanging atleta pa lamang ng Pilipinas na nakapasok na sa Rio Games sa larangan ng 400-m run.