CHANGSHA – Bagama’t walang player na napabilang sa Top Five sa individual statistics ay nakamit pa rin ng Gilas Pilipinas ang No. 1 spot sa Group E sa preliminary stage ng 2015 FIBA Asia Championship dito.
Ang mga bagay na nakatulong sa Nationals ay ang kanilang pagiging No. 2 team sa scoring at sa rebounding at No. 5 sa three-point shooting.
Naglista ang Gilas Pilipinas ng mga averages na 90.5 points at 49.0 rebounds per game, habang ang No. 1 Iran ay nagposte ng mga averages na 95.7 points at 50.5 rebounds, ayon sa pagkakasunod.
Kumasa ang koponan ng 36.2-percent shooting, ang pang-limang pinakamahusay sa hanay ng 16 koponan sa prelims sa ilalim ng Koreans (40.7), Lebanese (39.3), Taiwanese (39.2) at Chinese (37.6).
Wala namang Filipino player na napasama sa top five ng anumang pangunahing stats department.
Magkatabla sa No. 8 sina Andray Blatche at Jayson Castro sa scoring sa magkapareho nilang average na 16.2 points a game.
Magkasalo sa No. 1 sa scoring sina Sani Sakakini ng Palestine at Amjyot Singh ng India sa magkatulad nilang 23.0 points per game kasunod si Palestinian Jamal Shamala (21.1), Clinton Johnson (20.6) ng Qatar, Jay Youngblood ng Lebanon, Alex Legion ng Jordan at Yi Jianlian (17.5) ng China.
Binanderahan din ni Sakakini, naglalaro sa Chinese Basketball Association, ang lahat ng players sa rebounding sa elims sa kanyang average na 13.0 per game.
Si Blatche ay No. 12 sa kanyang 8.0 per game, habang si Castro ay pumuwesto naman sa No. 11 sa kanyang 47.8-percent clip sa three-point line.
Ang No. 1 sa assists ay si Imad Qahwash (6.1) ng Palestine.