MANILA, Philippines – Kasalukuyang sinosolo ng University of Sto. Tomas ang ikalawang puwesto sa ilalim ng nangungunang Far Eastern University.
“Hindi kami makukuntento kung ano’ng meron kami, gusto naming higitan pa iyon,” sabi ni UST coach Bong Dela Cruz.
Hangad makisosyo sa liderato, sasagupain ng Tigers ang mainit ding La Salle Green Archers ngayong alas-4 ng hapon sa 78th UAAP men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Tangan ng FEU ang 5-1 record kasunod ang UST (4-1), Ateneo (3-2), La Salle (3-2), nagdedepensang National University (3-3), University of the Philippines (2-3), University of the East (2-3) at Adamson University (0-6).
Nanggaling ang Tigers sa 68-58 paggiba sa Blue Eagles kung saan sila nakabangon mula sa 16-point deficit.
Sa naturang tagumpay ay umiskor si UST star Kevin Ferrer ng career-high na 27 points sa kabila ng pagkakaroon ng lagnat.
Umiskor naman ang Green Archers ng mga panalo kontra sa Falcons at Red Warriors para makatabla ang Blue Eagles sa ikatlong puwesto.
Samantala, pipilitin naman ng Ateneo na makabawi mula sa nasabing kabiguan sa UST sa pagsagupa sa bumubulusok na UP sa alas-2 ng hapon.
Ikinadismaya ni coach Bo Perasol ang ginawang 6 points ng Blue Eagles sa fourth quarter.
Hangad ng Fighting Maroons na makatayo buhat sa tatlong sunod na kamalasan matapos ang 2-0 start.