MANILA, Philippines – Magtatagpo uli ang mga mahuhusay na duathletes sa paglarga ngayong umaga ng BikeKing Duathlon sa Sandbox, Alviera, Porac, Pampanga.
Tampok na aksyon ay ang 6-k run, 60-k bike, 4-k run at may tagisan sa mga elite sa pangunguna ng national duathlete na si Robeno Javier.
Walong male elite ang kasali at sisikapin ni Javier na maipakita ang dating matikas na kondisyon para makabawi sa pagkawala ng titulo sa National Duathlon Championship sa Cebu kamakailan.
Ang mga makakaharap ni Javier ay sina Robinson Esteves, Jeff Valdez, Dante Cagas, Joey Delos Reyes, Cipriane John Topia, Joseph Lingad at Flresco Adaoag.
Nasa P10,000.00 ang premyong mapapasakamay ng tatanghaling kampeon sa kategorya.
May iba’t-ibang age categories din ang paglalabanan bukod pa sa karera sa sprint distance na 3-k run, 30-k bike, 3-k run at ang mga mangunguna ay tatangap ng medalya.
Kakaibang karanasan ang makukuha ng mga sasali dahil gagamitin ang SCTEX mula Porac patungong Floridablanca at pabalik. Bagamat patag ito, may ilang parte rito ang paahon na susukat sa lakas sa pagpadyak ng mga duathletes. (AT)