Laro Ngayon (The Arena, San Juan City)
12:45 p.m. NU vs Ateneo (V-League finals)
3 p.m. Ateneo vs NU (Spikers’ Turf final)
MANILA, Philippines – Tuluyan nang inangking ng FEU Lady Tamaraws at Emilio Aguinaldo College Generals ang ikatlong puwesto sa Shakey’s V-League at Spikers’ Turf kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Dominado ng Lady Tamaraws ang lahat ng aspeto ng laro para sa 25-16, 25-23, 25-17 straight sets tagumpay sa UST Tigresses habang ang Generals ay humugot ng numero sa ibang manlalaro para sa 25-14, 25-21, 25-19 pananaig sa NCAA Wildcats.
Nahubad ang suot na titulo sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera kaya’t bakas ang determinasyon ng Lady Tamaraws para walisin ang best-of-three series.
Si Jovelyn Gonzaga ay mayroong 14 kills tungo sa 15 puntos habang sina Honey Royse Tubino at Bernadeth Pons ay tumapos bitbit ang tig-12 puntos.
May 10 kills pa si Tubino para bigyan ang FEU ng 40-29 bentahe sa attack points, sina Remy Palma at Tubino ay may pinagsanib na limang blocks para sa 10-5 bentahe habang sina Pons at Carlota Hernandez ay may tig-dalawang aces para sa 7-6 kalamangan sa departamento.
Sampung attack points tungo sa 11 puntos ang ginawa ni Howard Mojica pero sapat na ito dahil sina Keith Melliza at Isarael Encina ay may 13 at 10 puntos para walisin din ng EAC ang tagisan nila ng NCBA.
Si Paul John Domingo ay mayrong pitong puntos para pamunuan ang natalong koponan.
Samantala, sisikapin ng Ateneo na wakasan ang magarang ipinakita sa Shakey’s V-League at Spikers’ Turf Collegiate Conference sa pagdaig uli sa National University teams ngayong hapon.
Unang sasalang ang Lady Eagles laban sa Lady Bulldogs sa ganap na alas-12:45 ng hapon at sasandal ang una sa magandang pagtutulungan upang pawiin ang pagbabalik ng mahusay na spiker na si Dindin Manabat.
Tiyak na mag-iiba ang takbo ng labanan ngayon dahil dagdag sa babantayan ng Lady Eagles si Manabat na hindi nakasama sa Game One dahil naglaro siya sa Vietnam sa Asian Club Women’s Championship.
Dakong alas-3 ng hapon ang labanan sa Spikers’ Turf at determinado ang Eagles na makalipad uli para makumpleto ang 12-0 sweep laban sa Bulldogs.