MANILA, Philippines – Naipagpatuloy ng 16-anyos netter na si Alberto Lim Jr. ang pagpapasikat sa 34th Philippine Columbian Association (PCA) Open Wildcard Tournament nang sibakin ang 8-time champion na si Johnny Arcilla sa semifinals kahapon sa PCA clay court sa Paco, Manila.
Walang masamang epekto ang dalawang oras at 35 minutong panalo na naiposte kay Francis Casey Alcantara sa quarterfinals noong Huwebes dahil puno pa rin ng enerhiya si Lim sa ikatlo at huling set tungo sa 75, 4-6, 6-1 panalo.
“Kung si kuya Casey hindi biro mas lalo pong di birong kalaban si kuya Johnny na isang 8-time champion. Ang expectation ko lang ay laruin ko ang laro ko para magkaroon ng chance na manalo,” wika ni Lim na naipaghiganti rin ang pagkatalo sa 35-anyos na si Arcilla sa quarterfinals noong nakaraang taon.
Lalabas na si Lim ang siyang ikalawang pinakabatang manlalaro na nasa finals mula nang itatag ang torneo noong 1981.
Si Manny Tolentino ang pinakabatang finalist at champion sa torneong suportado ng Cebuana Lhuillier, Puma, Dunlop, Head, Babolat, Compass/IMOSTI, The Philippine Star at Sarangani Congressman Manny Pacquiao dahil edad 15-anyos siya nang nanalo noong 1981.
Ang nagdedepensang kampeon na si Patrick John Tierro ang kumuha ng ikalawang puwesto sa finals at walang hirap niyang naabot ito dahil hindi nakarating ang third na si seed Elbert Anasta dahil kasali siya sa AFP-PNP Olympics sa koponan ng Philippine Army.
Bagamat natalo sa second set, hindi nawala ang focus ni Lim at patunay dito ay ang dalawang beses niyang pag-break kay Arcilla para sa panalo sa larong tumagal ng dalawang oras at 20 minuto.
Tulad ni Tierro ay nakakuha na rin ng puwesto sa main draw sa Manila-ITF Men’s Futures sa susunod na buwan sa nasabing venue si Lim.