CHANGSHA, China — Makaraang ilampaso ang Hong Kong ng 51 points noong Huwebes ay dinurog naman ng Gilas Pilipinas ang Kuwait sa pamamagitan ng 56-point win.
Mula sa 33-point lead sa second period ay hindi na nilingon ng Nationals ang Kuwait para iposte ang 110-64 panalo at pormal na umabante sa second round ng 2015 FIBA Asia Championship kagabi dito sa Changsha Social Work College Gymnasium.
Tinapos ng Gilas Pilipinas ang first round bitbit ang 2-1 record sa Group B kabilang ang 101-50 paggiba sa Hong Kong noong Huwebes.
Ang 2015 FIBA Asia tournament ang nagsisilbing qualifying event para sa 2016 Olympics sa Rio de Janeiro, Brazil.
Makakasagupa ng Nationals sa second round ang na Iran (3-0), Japan (2-1) at India (1-2) sa Group B na ang aksyon ay magsisimula buka at live na mapapanood sa TV5 at Aksyon TV.
Hindi pinaiskor ng Nationals ang Kuwait sa loob ng 10 minuto sa second period para iposte ang 44-11 abante bago kunin ang 55-27 halftime lead.
Ang three-point shot ni Dondon Hontiveros ang nag-angat sa Gilas Pilipinas sa 82-41 sa huling 1:53 minuto ng third quarter, habang ang fastbreak layup ni Terrence Romeo ang tumabon sa Kuwait sa 93-52 sa 7:18 minuto ng final canto.
Bagama’t selyado na ang panalo ng Gilas Pilipinas sa itinarak na 108-64 kalamangan sa natitirang 46.4 segundo ay halos hindi naman maawat sa pagsugod si Abdul Aziz Alhamidi kay Ranidel De Ocampo.
Pinadugo ni De Ocampo ang bibig ni Alhamidi na naunang sumuntok sa kanyang tiyan habang papatakbo sa halfcourt.
Bago ihatid palabas ng court ng kanyang kakampi ay naghagis ng bote ng mineral water si Alhamidi sa direksyon ng bench ng Gilas na tumama sa cameraman.
Kumamada si Romeo ng 19 points habang nagdagdag si Jayson Castro ng 16 puntos kasunod ang tig-puntos nina Calvin Abueva at JC Intal para banderahan ang Gilas.
Gilas Pilipinas 110 – Romeo 19, Castro 16, Abueva 10, Intal 10, De Oampo 9, Taulava 9, Hontiveros 9, Blatche 8, Thoss 8, Ganuelas 6, Norwood 4, Pingris 2.
Kuwait 64 – A. Alshammari 15, Alsaeid 13, Abu Dhom 12, Alhamidi 9, Borhamah 7, Aljuma’h 5, Hasan 3, M. Alshammari 0.
Quarterscores: 34-11; 55-27; 87-48; 110-64.