Dahil sa nangyaring rambulan Perpetual, EAC players sinuspindi ng NCAA
Laro Ngayon (The Arena, San Juan)
10 a.m. Lyceum vs EAC (Jrs)
12 nn. St. Benilde vs San Sebastian (Jrs)
2 p.m. Lyceum vs EAC (Srs)
4 p.m. St. Benilde vs San Sebastian (Srs)
MANILA, Philippines – Malaki ang posibilidad na ilang laro na masususpindi ang mga manlalarong napatalsik sa nangyaring sagupaan sa pagitan ng Emilio Aguinaldo College Generals at Perpetual Help Altas noong Martes.
Sina Enjerico Diego at Raymund Pascua ng Generals ay napatalsik nang ang una ay nakipagtulakan kay Nick Cabiltes ng Altas habang si Pascua ay naka-fighting stance. Si Cabiltes ay pinaalis din sa court dahil sa ginawa.
Ayon sa batas ng liga, ang tatlo ay mayroon ng awtomatikong one-game suspension.
Pero posible pang madagdagan ito dahil sa nangyaring suntukan sa labas ng The Arena sa San Juan City.
Sina Pascua at Sidney Onwubere ay sinabing pinagtulungan si Cabiltes bagay na iniimbestigahan ngayon ng pamunuan ng liga.
Ito ang ikalawang sunod na taon na nalagay sa ganitong kontrobersya ang EAC. Noong 2014 ay nagkagulo rin ang laro ng Generals at Mapua Cardinals dahilan upang may 17 manlalaro ang sinuspindi.
Dahil sa rami ng players na nawala, may mga laro ang EAC at Mapua na hindi na nailaro dahil sa kakulangan ng players.
Sina Diego at Pascua ay hindi makakasama ng Generals laban sa Lyceum Pirates sa pagpapatuloy ngayon ng 91st NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan City.
Si Cabiltes ay wala sa laro ng Altas kontra sa Jose Rizal University Heavy Bombers bukas.
No-bearing games ang mga nakahanay na aksyon ngayon dahil ang mga maglalaban sa double-header ay pawang mga talsik na sa kompetisyon.
Sa ganap na alas-2 ng hapon maghaharap ang EAC at Lyceum habang ang pangalawang laro dakong alas-4 ay sa hanay ng San Sebastian Stags at St. Benilde Blazers.
- Latest