Gilas kinapos sa dulo naisahan ng Palestine

Tinirahan ni Andray Blatche ng Gilas ang Palestine player sa kanilang ope­ning match sa FIBA Asia Championship sa Changsha, China.

CHANGSHA, China – Nagposte ang Nationals ng malaking 16-point lead sa first period bago kumulapso sa huling dalawang minuto ng final canto.

Ito ang sinamantala ng Palestine para matikman ng Gilas Pilipinas 75-73 upset sa Group B ng 2015 FIBA Asia Championship kahapon dito sa CSWDC Dayun.

Sa likod ni naturalized player Andray Blatche, kinuha ng Nationals ang 28-12 abante sa opening quarter hanggang makadikit ang mga Palestines, isang first-timer sa FIBA Asia, sa 40-45 agwat sa halftime sa pangunguna nina Sani Sakakini at Jamal Abu Shamala.

Muling bumandera si Sakakini para idikit ang Pa­lestine sa 57-59 hanggang magsalpak ng mga three-point shots sina Terrence Romeo at JC Intal para mu­ling ilayo ang Gilas Pilipinas sa 71-62 sa huling tatlong minuto ng laro.

Nagpakawala ang Pa­lestine ng 10-0 atake, tampok ang dalawang tres ni Abu Shamala para agawin ang unahan, 72-71, sa natitirang 1:34 minuto.

Ang putback ni Blatche ang nag-angat sa Natio­nals sa 73-72 kasunod ang 3-point play ni Sakakini para sa 75-73 abante ng Palestine sa huling 15 segundo.

Tumapos si Blatche ng 21 points at 12 rebounds para banderahan ang Gilas, habang nag-ambag si Romeo ng 11 markers kasunod ang 10 ni Jayson Castro.

Humakot naman si Abu Shamala ng 26 points at 15 boards sa panig ng Pa­lestine na nakahugot kay Sakakini ng 22 points at 14 rebounds.

Palestine 75 – J. Abu Shamala 26, S. Sakakini 22, I. Qahwash 17, S. Sakakini 10, A. Haroon 0, S. Khatib 0, A. Younis 0, J. Yaghmour 0, A. Salman 0, E. Odeh 0, Yousef 0.

Gilas 73 – Blatche 21, Romeo 11, William 10, De Ocampo 6, Intal 6, Abueva 5, Thoss 4, Norwood 3, Hontiveros 3, Pingris 2, Ganuelas 2, Taulava 0.

Quarterscores: 12-27; 40-45; 55-59; 75-73

Show comments