Pirma na lang ni P-Noy ang kulang
MANILA, Philippines – Pirma na lamang ni Pangulong Benigno Aquino III ang kailangan para maging ganap na batas na ang mga binagong insentibo sa mga atleta mula sa Kongreso at Senado.
“Senate approved our bill to improve national athletes benefits/incentives. To be sent to the president for his signature,” tweet ni Senador Sonny Angara.
Sina Valenzuela Congressman Win Gatchalian, Davao del Norte Congressman Anthony del Rosario at Pampanga representative Joseller “Yeng” Guiao ang mga kumatawan sa House of Representatives at sila ay sinamahan nina Senador Angara, Pia Cayetano at Vicente Sotto III para ipasa ang Senate Bill 2898 at House Bill 5912 na tatabon sa Republic Act 9064 o Incentives Act of 2001.
Kasama sa binago ay ang insentibo na tinatanggap ng mga atleta sa mga sinasalihang malalaking kompetisyon sa labas ng bansa.
Puwede nang mamuhay ng sagana ang atletang mananalo ng ginto sa Summer at Winter Olympics dahil P10 milyon ang gantimpala nito sa pamahalaan.
Ang mga Youth Olympic Games champion ay mayroong P5 milyon premyo, P2 milyon sa Asian Games at Asian Winter Games, P1 milyon sa Asian Indoor and Martial Arts Games at mga World championships tuwing dalawang taon na sinasalihan ng 45 bansa; P500,000.00 sa Asian Beach Games at mga Asian level tournaments na ginagawa kada dalawang taon at may 25 bansa na kalahok at P300,000.00 para sa SEA Games.
- Latest