Gilas mapapalaban na

Andray Blatche. Philstar.com/File

CHANGSHA, China – Sa kanilang mga kalaban sa Group B ay inaasahang aabante ang Gilas Pilipinas sa susunod na round ng 2015 FIBA Asia Cham­pionship.

“We have some games that we believe are impor­tant for us--obviously window games,” sabi ni coach Tab Baldwin.

Lalabanan ng Gilas Pilipinas ang Palestine nga­yong alas-11:45 ng tanghali dito sa Changsha Social Work College’s Gymnasium.

Ito ang unang pagkakataon na magkakaharap ang Philippine team at ang Palestine squad, kasama sa Group B ng Kuwait at Hong Kong.

Matapos ang Palestine ay sasagupain ng Gilas ang Hong Kong bukas at ang Kuwait sa Biyernes.

Ang 2015 FIBA Asia tour­nament ang nagsisilbing qualifying event para sa 2016 Olympics sa Rio de Janeiro, Brazil.

Halos dalawang buwan nagsanay ang national team at kabuuang 13 laro ang sinabakan ng Gilas kasunod ang five-day trai­ning camp sa Cebu noong nakaraang linggo.

Matapos ang ang 0-3 record sa four-nation invitational tournament sa Estonia, ang second place finish sa William Jones Cup sa Taiwan tangan ang 5-2 kartada at pagwalis sa four-team MVP Cup, nagpakita na ng magandang laro ang Nationals.

Sinabi Baldwin na ang training camp sa Cebu ang humasa sa sistema ng koponan kasabay ng pagka­karoon ng mga bagong plays para kay naturalized Filipino center Andray Blatche.

Ito ang magiging unang FIBA Asia tournament na sasabakan ng 6-foot-11 na si Blatche, pinangunahan ang Gilas sa FIBA World Cup noong 2014 kung saan siya nagtala ng mga ave­rages na 21.2 points, 13.8 rebounds at 1.6 steals.

Ito rin ang unang pagkakataon na maglalaro ang Palestine sa FIBA Asia matapos pumangatlo sa West Asia championship sa likod ng Lebanon at Jordan.

Si American coach Jerry Steele ang gagabay sa koponan na pamumunuan nina 6-foot-8 forward Salim Sakakini at 6-foot-5 shooting guard Nicola Fadayel.

Show comments