Wala pa sa porma Pacquiao sumabak sa pick-up game

MANILA, Philippines – Sa ilang pagkakataon ay tila naghahabol ng kanyang hininga si Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao sa nilahukang pick-up game noong Lunes.

Aminado naman ang 36-anyos na si Pacquiao na wala pa siya sa kondisyon.

“Medyo naghahabol pa (ng hangin). Pero nag-e-enjoy lang tayo sa laro,” sabi ni Pacquiao na nagbigay ng kanyang kontribusyon sa 60-40 panalo ng kanyang MP team laban sa X-MP squad kamakalawa sa The 3rd Fitness Lab gym sa Balajadia Building sa Scout Lazcano, Quezon City.

Ang paglalaro ng basketball ay nagpapatunay lamang na magaling na ang kanang balikat ni Pacquiao na inoperahan noong Mayo 7 limang araw matapos ang kanyang kabiguan kay Floyd Mayweather Jr. sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

Sinabi kamakailan ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na kailangan munang ipakita ni Pacquiao ang resulta ng kanyang MRI kay surgeon Neal ElAttrache sa Kerlan-Jobe Orthopaedic Clinic sa Los  Angeles bago niya pormalisahin ang laban nito sa Abril ng 2016.

Ilan sa mga binanggit ni Arum na puwedeng sagupain ni Pacquiao ay sina Amir Khan, Kell Brook, Terence Crawford, Lucas Matthysse at Juan Manuel Marquez.

Sinabi ni Pacquiao na hindi pa niya iniisip ang kanyang susunod na laban dahil mas gusto niyang pagalingin ang inoperahang kanang balikat.

Show comments