MANILA, Philippines – Dalawang linggo matapos muling sumali sa ensayo ng Gilas Pilipinas ay halatang pumayat na si naturalized player Andray Blatche.
Kaya naman malakas ang paniniwala ni Samahang Basketbol ng Pilipinas president Manny V. Pangilinan na matutulungan ni Blatche ang Nationals na sikwatin ang titulo ng 2015 FIBA Asia Championship sa Changsa, China simula bukas.
“Andray Blatche is back and so the team is complete. You could sense the extreme high morale of the team,” sabi ni Pangilinan.
Makikipag-agawan ang Gilas Pilipinas sa nag-iisang tiket para sa 2016 Rio de Janeiro Olympics.
Optimistiko si dating Gilas coach Chot Reyes na ang isang Andray Blatche na nasa pamatay na porma ay matutulungan ang Gilas na makapasok sa championship round ng 2015 FIBA Asia meet.
Ito ay base sa nakita niyang outside shooting ni Blatche sa huling training ng Gilas sa Meralco Gym noong Linggo.
“His shots are falling in more. He’s better than couples of weeks ago, and he’s gonna get better,” pagpapatotoo ni coach Tab Baldwin.
Nang tanungin kung ano ang pagkakaiba ng 2013 Gilas team at ng kasalukuyang national squad ni Baldwin, isa lamang ang isinagot ni assistant coach Jong Uichico: “Dray.”
Ibinandera ng Gilas II si Marcus Douthit bilang naturalized player at natulungan ang Nationals sa kampanya bago nakalasap ng injury sa semifinal game nila ng South Korea.
Nalampasan ng Nationals ang pag-upo ni Douthit kontra sa mga Koreans, 86-79, ngunit yumukod naman sa Iran, 71-85 sa titular game.
Isang back-to-the-basket operator, naglista si Douthit ng 11.9 points, 9.4 rebounds at 1.6 assists per game noong 2013.
Isa namang mas bata, mas malakas na versatile player, kumamada si Blatche ng 21.2 points, 13.8 rebounds at 1.6 steals noong 2014 World Cup.
Sa NBA ay naglista si Blatche ng average na 16.8 points a game noong 2010-11 para sa Washington Wizards.