MANILA, Philippines - Sa pagkakaroon ng pitong players na may edad 30-anyos pataas ay ang Gilas Pilipinas ang may pinakamatandang koponan para sa 2015 FIBA Asia Championship.
Magagamit ng Nationals ang gulang at talino nina Gabe Norwood (30), JC Intal (31), Marc Pingris (33), Ranidel de Ocampo (33), Sonny Thoss (33) at Dondon Hontiveros (38) bukod pa kay Asi Taulava (42) para sa nasabing torneo na magsisimula sa Miyerkules sa Changsa, China.
Ang Chinese Taipei ang ikalawang may pinakamatandang line-up sa average age na 30-anyos, habang ang ibang koponan ay nagpaparada ng mga players na may edad na 20-anyos pataas.
Ang mga koponang may mas batang average age ay ang Qatar (28), Japan (28), Jordan (28), Korea (27), Iran (27), Lebanon (26), Kazakhstan (26), Hong Kong (25), Palestine (25), China (24), India (24), Kuwait (24), Malaysia (23) at Singapore (23).
Sinabi ni Gilas coach Tab Baldwin na ang Gilas Pilipinas ay “young in terms of time together and training opportunities.”
Pang-apat naman ang Gilas Pilipinas sa Iran, Jordan at Lebanon sa mga koponang may pinakamalaking line-up sa kanilang average na 6-foot-5 sa hanay ng 16 teams.
Mas bata naman sa average age ay angat ang Iran, ang titleholder ng FIBA Asia, sa eksperyensa dahil ang kanilang mga players ay kumakampanya sa mga FIBA Asia competitions sa nakaraang 10 taon.
Sina seven-foot center Hamed Haddadi (30), point guard Mahdi Kamrani (33) at gunners Nikkha Samad Bahrami (32) at Hamed Afagh (32) ay miyembro ng Iran national team mula sa kanilang unang FIBA Asia title run sa Tokushima noong 2007.
Isasabak din ng Iran team ni coach Dirk Bauermann sina Mohamad Jamshidi (24), Mohamad Saberi (24), Sajjad Mashayekhi (21) at Behnam Yakhchalidehkordi (20).
Itatampok naman ng China ang apat na players na may taas na seven-feet pataas.
Ang magbabandera sa Great Wall ay sina 7-0 Yi Jianlian, 7-0 Wang Zhelin, 7-1 Qi Zhou at 7-2 Li Muhao.