34th PCA Open-Cebuana Lhuillier wildcard event Tierro papalo sa last 32
MANILA, Philippines - Kinargahan pa ng nagdedepensang kampeon na si Patrick John Tierro ang kanyang laro upang umabante na sa Last 32 sa 34th Philippine Columbian Association (PCA) Open-Cebuana Lhuillier Wildcard Tournament kahapon sa PCA clay court sa Paco, Manila.
Mas maganda ang ikinilos ng 29-anyos top seed sa court tungo sa 8-0 panalo laban kay Ken Phillip Paradela sa round of 64 kahapon.
“Less pressure na kasi second game ko na at may feel na sa court. Naging normal game na ito sa akin,” wika ni Tierro na sunod na makalalaban ang magwawagi kina Gabby Gatchalian at Neil Tangalin sa Last 32 na paglalabanan na sa best-of-three sets at gagawin sa Linggo (Setyembre 20).
Ang iba pang seeded players na sina Elberto Anasta, Fil-Italian Marc Reyes at Arcie Mano ay umabante na rin sa torneong suportado ng Cebuana Lhuillier, Puma, Dunlop, Philippine Star, Head, Babolat, Compass/IMOSTI at Sarangani Rep. Manny Pacquiao, Whilpool/Fujidenzo, Broadway Motor Sales Corp. Coca-Cola Fesma Philippines, Tyrecorp Incorporated, Pearl Garden Hotel, Metro Global Holdings Corporation.
Matapos manalo kay Francis Lanzaro noong Huwebes, 8-4, ay nagwagi uli ang third seed na si Anasta kay Jomari Guira, 8-4, habang ang eight seed na si Reyes ay lusot din kay Bernardine Siso, 8-1 kahapon.
Hindi nagpahuli ang 15th seed na si Mano na tinalo sina Jake Martin, 8-5 at Jason Timbal, 8-1.
Samantala, magandang panimula ang naitala ni 6-time champion at second seed Johnny Arcilla at ang number one junior player na si Alberto Lim Jr. sa unang laro kahapon.
Kinalos ni Arcilla ang qualifier na si Laurence Joy Odbina, 8-2 habang 8-0 panalo ang naitala ng fourth seed na si Lim sa isa ring qualifier na si Rey Mayo.
“Ok naman bagong court may konting adjustment. Ang goal ngayon ay makapasok na rin, gumanda ang laro at umabot muna sa Finals para makapasok na rin sa ITF event,” ani ng 36-anyos netter na nanalo sa isang torneo sa General Santos City dalawang linggo ang nakalipas.
Bagamat hindi nakaiskor ang kalaban, aminado naman ang 16-anyos na si Lim na kailangan pa niyang pag-ibayuhin ang laro kung nais na maging palaban sa titulo.
Ang kompetisyong ito ay ginagamit din bilang isang qualifying event para sa 2015 Manila ITF Men’s Futures Leg 2 at ang finalists ay magkakaroon na ng puwesto sa main draw sa kompetisyong gagawin mula Oktubre 13 hanggang 18 sa nasabing palaruan.
- Latest