MANILA, Philippines - Tinakasan ng suwerte si Dennis Orcollo para magwakas na ang kampanya ng Pilipinas sa 2015 World 9-Ball Championship na nagtapos kahapon sa Al Arabi Sports Club sa Doha, Qatar.
Tinalo pa ng kasalukuyang World 8-Ball champion na si Orcollo sina Hunter Lombardo ng USA, 11-7, at Darren Appleton ng England,11-2 sa Last 32 at Last 16 para sa isang panalo upang umusad sa semis.
Pero sa knockout match nila ni Shane Van Boening ng USA ay nangapa si Orcollo sa kanyang sargo habang solid ang ipinakita ng katunggali para lasapin ng SEA Games gold medalist ang di inaasahang 1-11 pagkatalo.
Bago ito ay naunang namaalam sina Oliver Medenilla at Warren Kiamco nang hindi kinaya ni Medenilla si Chang Yu-lung ng Chinese Taipei, 4-11, habang bigo si Kiamco na maipaghiganti ang kababayang si Carlo Biado kay Ko Pin-yi ng Taipei sa tinamong 9-11 kabiguan.
Bago nakaharap si Kiamco ay pinagpahinga muna ng World 10-ball champion na si Ko si Biado sa 11-4 iskor.
Si Ko ay umabante sa semifinals kasama ang nakababatang kapatid na si Ko Pin-chung bukod kina Boening at Wu Jia-qing ng China.
Pakay ng magkapatid na Ko at Boening ang kauna-unahang World 9-Ball title habang si Wu ay magtatangka sa kanyang ikalawang kampeonato matapos dominahin ang 2005 noong naglalaro pa siya para sa Chinese Taipei.
Itinatag ang kompetisyon noong 1990, ang Pilipinas ay may tatlong world 9-ball champions at ito ay sina Efren “Bata” Reyes noong 1999, Ronato “Volcano” Alcano noong 2006 at Francisco “Djangco” Bustamante noong 2010.
Sina Alcano at Antonio Gabica ay nakapasok sa Finals noong 2011 at 2013 pero natalo sila kina Yukio Akagariyama ng Japan at Thorsten Hohmann ng Germany.