MANILA, Philippines - Mga larawan na kuha sa panahong nananalasa ang Bagyong Ondoy ang ikakalat sa mga ruta para hindi mawala sa isipan ng mga tatakbo ang kahalagaan ng matatag na Marikina Watershed.
Sa Linggo gagawin ang 2015 Takbo Para sa Marikina Watershed sa Youth Camp ng Marikina River Park at layunin ng patakbo na pinangungunahan ni Marikina City Mayor Del de Guzman ang makalikom ng pondo para sa Marikina Watershed Green Foundation.
“Dahil sa Ondoy at Habagat ay marami sa atin ang binaha at patuloy na nakararamdam ng takot kapag umuulan. Hindi tayo dapat mabuhay sa takot at pangamba bagkus ay kumilos ng sama-sama tungo sa matagumpay na solusyon sa baha. Isa rito ay ang pagpapayabong sa Marikina Watershed,” wika ni Mayor De Guzman.
Handang-handa na ang organizers na salubungin ang daan-daang runners na magsusukatan sa 3k, 5k at 10k distansya.
Patuloy ang pagtanggap ng mga sasali at ang registration fee ay nasa P600 at maaaring magpatala sa Marikina Sports Center at Marikina City Hall sa Community Relations Office at Office of the Mayor. May registration booth din sa SM Marikina, San Mateo, Masinag, CPM Mall at Sta. Lucia East Grand Mall.
Ang Takbo Para sa Marikina Watershed ay sinusuportahan ng BDO Foundation, Armscor, Philippine Business for Social Progress (PBSP), PDRF, Coats Manila Bay, Smart, Manila Water, San Miguel Beer, Ortigas & Co., One Meralco Foundation, Mr. Danny Chua ng Rotary Club of Marikina West at ni Roger Py.