Hindi na ako nagtaka nang malaman nang inyong lingkod na si Senadora Grace Poe ay isang taekwondo blackbelter.
Bilang anak ng namayapa nang tinaguriang Da King ng Philippine Movies na Fernando Poe Jr., marahil ay naging natural na lamang kay Poe na maging aktibo sa isports at matuto ng martial arts sa murang edad.
Ito marahil ay isa sa dahilang kung bakit ganoon na lamang ang disiplina ng butihing Senadora.
Nakuha ni Senadora Grace Poe ang kanyang black belt sa ilalim ng pagtuturo ni Grand master Sun Chong-hong, isa sa mga nagtatag ng Philippine Taekwondo Association.
Hindi basta-basta si Poe sa taekwondo, katunayan marami rin itong naging medalya at kampeonato noong 1980s.
Nanalo siya ng silver medal sa National Taekwondo Championship nang hindi alam ng kanyang mga magulang.
Ang kuwento, sumali si Grace Poe sa kampeonato nang walang alam ang kanyang tatay na si FPJ.
Pero nang makita ni FPJ ang kanyang anak sa telebisyon na sinasabitan ng medalya ay laking gulat nito. Sa una ay napagalitan ang Senadora ng kanyang ama, pero sa lumaon ay isa na ito sa supporter niya.
Namulat din si Poe sa mga palaro na pinangunahan ng kanyang ama. Malimit na maglaro ng basketball noon si FPJ, kasama ng mga kapwa artista, mga stuntman at mga maliliit na manggagawa sa kanyang mga pelikula.
Hanggang ngayon ay naroon pa rin ang passion ng Senadora sa mga kompetisyon ng taekwondo. Hindi ba’t madalas ay nakikita siya sa telebisyon na nanonood at sumusuporta sa mga Pinoy jins, Kahit na walang mga kasapi ng media na nagmamasid ay sumasaglit siya sa mga kompetisyon.
Kung hindi seryoso ang isang taekwondo jin sa kanyang laro ay malamang na mahirapan siya na makaabot sa pagiging blackbelter.
Ang mga blackbelter ay iginagalang bilang pinakamataas sa hiyerkiya ng mga manlalaro ng taekwondo.
Kahit pala mahinahon sa kanyang mga pananalita at pag-aanalisa ng mga bagay-bagay si Senadora Poe ay hindi siya maituturing na malamya.
Tigasin din pala si Senadora Poe katulad ng kanyang yumaong ama.