Naniniwala ka bang tuluyan nang retirado si Floyd Mayweather Jr. sa boxing?
Duda ako.
Ginawa na niya dati at kaya niya itong gawin ulit. Nung 2007, matapos talunin si Ricky Hatton, nag-retiro si Floyd.
Bumalik siya nung 2009 para labanan si Juan Manuel Marquez.
Matapos ang anim na taon, eto at nag-retire na naman siya.
Kaya matapos niyang talunin si Andre Berto nung Linggo sa Las Vegas at hatakin ang record niya sa 49-0, marami ang nagtanong sa kanya.
Totohanan na ba ito?
Inamin ni Floyd na ngayon pa lang, may mga offers sa kanya at hindi ito bababa sa $100 million para lumaban siya sa 2016.
May bago kasing ginagawang arena sa Las Vegas. Mas malaki sa MGM Grand. Natural, gusto ng mga may-ari na big fight ang first fight doon.
Eh anong laban ba naman ang hihigit pa kesa sa isang rematch nila Manny Pacquiao at Mayweather sa 2016.
Magpapahinga si Floyd. Natural. Manonood ng maraming NBA games. Pupusta ng malaki. Papasyal gamit ang kanyang private jet na mamahalingg sasakyan.
Bakasyon muna,
Kailangan din niyang bilangin ang limpak-limpak na salapi na kinita niya nitong taong ito--mahigit $200 million sa laban niya kay Pacquiao at $32 million kay Berto.
Oras na mainip siya, ay puwede na siyang bumalik sa boxing.
Madali naman ito dahil puwede niyang sabihin na gusto niyang pagbigyan ang mga fans.
At isa lang ang magiging request.
Ang rematch kay Pacquiao.