PHU LY, Vietnam – Nagpakita ang mas malakas at mas preparadong Petron matapos gibain ang Islamic Azad University ng Iran, 25-8, 25-16, 25-23 sa 2015 AVC Asian Women's Club Volleyball Championship noong Lunes sa Ha Nam Competition Hall.
Tinapos ng Blaze Spikers ang mga Iranians sa loob ng isang oras at 12 minuto para makapasok sa win column ng torneong nagsisilbing qualifier para sa FIVB World Women's Club Championship sa susunod na taon.
Nakipagtulungan si Brazilian reinforcement Rupia Inck Furtado kay Dindin Manabat sa scoring at blocking ng Petron sa paggupo sa Iran, nagdomina sa Iranian Super League.
Bumangon si Furtado mula sa malamya niyang inilaro sa kabiguan ng Blaze Spikers laban sa 4.25 Sports Club ng North Korea sa una nilang laro.
Nagtala si Furtado ng 11 points mula sa kanyang 6 kills, 4 blocks at 1 ace, habang kumamada si Manabat ng 10 kills at 5 blocks para sa kanyang 15 points.
Nakatakdang labanan ng Blaze Spikers ang Hisamitsu Seikayu Springs ng Japan, isang elite squad na nanalo ng Asian crown sa nakaraang dalawang taon.