MANILA, Philippines - Hindi makalimutan ni Bright Akhuetie ang unang pagkatalo na ipinalasap sa Perpetual Help Altas ng San Beda Red Lions kaya sa ikalawang pagtutuos ay sinikap niya na huwag mangyari ito.
Natupad naman ang hangaring ito ng 6’6 na si Akhuetie nang naipasok ang game winning shot para tanghalin din bilang NCAA Press Corps Player of the Week.
“After the first round, we talked to ourselves that we have to make it even,” wika ni Akhuetie na tumapos taglay ang 31 puntos at 11 rebounds sa 88-86 panalo.
Ang huling dalawang puntos niya ay mula sa pasa ni Nestor Bantayan Jr. at kinailangan niya na iwasan pa ang depensa ni Ola Adeogun para sa winning play.
Nauna rito ay dalawang beses din siyang nakitaan ng matitinding dunks, ang isa ay laban din kay Adeogun para tunay na mangibabaw sa kanilang match-up.
Ito ang ikalawang POW citation ni Akhuetie sa mga mamamahayag na kumokober ng NCAA at magandang regalo rin ito sa kanyang sarili matapos ipagdiwang ang kanyang ika-19th kaarawan noong Sabado.
Sina Jiovani Jalalon ng Arellano Chiefs, Mark Cruz ng Letran Knights at Allwell Oraeme ng Mapua Cardinals ang iba pang ikinonsidera sa citation.