Singapore midget meet: Tom binigyan uli ng ginto ang Pinas

Ipinakikita ni Aubrey Tom ang kanyang dalawang gintong medalya na nasungkit sa Sin­gapore Mid­get meet.  

MANILA, Philippines - Nakuha  ni Aubrey Tom ang kanyang ikalawang ginto para pangunahan ang Philippine Swimming League (PSL) sa isang ginto, dalawang pilak at tatlong tansong medalya sa pagpapatuloy ng 21st Singapore Open Invitational Midget  Meet sa Singapore Swimming Club.

Sa girls’ 8 years 25-meter freestyle nagtagumpay si Tom nang naorasan ng 15.99 segundo upang hiyain ang mga nakaribal na sina Jing Qi Yen Ong ng China at Ting Qi Hannah Wee ng Singapore na may 16.13 at 16.93 tiyempo.

Bago ito ay nagreyna na si Tom, kumakatawan sa Marikina Aquabears sa 25m butterfly event.

Ang pilak ay nilangoy nina Micaela Jasmine Moj­deh at Khrystian Tan sa girls’ 9 years 25m breast stroke at  boys’ 9 years 25m breast stroke.

Si Tan din ang kumuha ng bronze sa 25m freestyle.

“Our PSL young swim­mers are getting better and better as they have learned to build how to be a great swimmer. They have good character and attitude,” ani PSL  president Susan Papa.

Sina Raphael Lentejas III at Janine Consul ay nag-ambag pa ng dalawang tanso sa boys’ 7 years 25m freestyle at 25m breaststroke ayon sa pagkakasunod para magkaroon na ang delegasyon ng kabuuang tatlong ginto, apat na pilak at tatlong tansong medalya.

Malayo ito sa tinapos na isang pilak at isang tansong medalya noong 2014.

Show comments