Para malinis ang pangalan, rematch hirit ni Koncz
MANILA, Philippines - Makakabuti para kay Floyd Mayweather Jr. ang harapin uli si Manny Pacquiao upang malinis ang kanyang pangalan na nadungisan bunga ng pagsisiwalat na binigyan siya ng gamot para sa rehydration.
“Maybe the best thing for Floyd to do is have a rematch with Manny,” wika ng adviser ni Pacman na si Michael Koncz sa panayam ni Dan Rafael ng ESPN.
Binigyan ang pound-for-pound king ng 750 milliliters ng saline at vitamins para sa rehydration. Hindi bawal ang mga ginamit pero kung ang pagtuturok nito kay Mayweather ang labag sa batas dahil maikokonsidera ito bilang isang performance-enhancing drugs.
Nagulat si Koncz sa pagpayag ng US Anti-Do-ping Agency (USADA) na bigyan ng ganitong lunas si Mayweather gayong hindi pinagbigyan ang kampo ng Pambansang Kamao ng anti inflammatory injection para maibsan ang pananakit ng kanang balikat.
Tiniis ni Pacman ang sakit sa kanilang mega fight noong Mayo 2 at dahil hindi magamit nang husto ang kanan kamao ay natalo siya sa pamamagitan ng unanimous decision.
Gusto naman ni Bob Arum ng Top Rank na imbestigahan ang USADA dahil sa nangyari.
“USADA has a lot of explaining to do,” wika ni Arum sa ESPN. “I really think people have to look closely at USADA and investigate what’s going on with them.”
Nauna nang itinanggi ni Mayweather na gumamit siya ng illegal na pamamaraan at ang pinagbabasehan ay ang pagsang-ayon sa proseso ng USADA.
Ang paglabas ng kontrobersya kay Mayweather ay nangyari ilang araw bago harapin si Andre Berto sa Sabado (Linggo sa Pilipinas) at pakay niya ang ika-50 sunod na panalo.
- Latest