MANILA, Philippines - Minsan pa ay muling napatunayan ni Manny Pacquiao na hindi siya ang gumagamit ng performance-enhancing drugs (PEDs) o mga banned substance sa kanyang mga laban.
“Truth finally came out and I was vindicated,” sabi ni Pacquiao kahapon ukol sa report ng SB Nation kamakalawa tungkol sa pagtuturok ng IV treatment kay Floyd Mayweather Jr. isang araw bago ang kanilang laban noong Mayo 2.
Nauna nang inakusahan ng kampo ni Mayweather si Pacquiao na gumagamit ng PEDs sa kanyang mga laban.
“(The) Mayweather camp used to accused me of using PEDs (performance enhancing drugs). Now, look at what happened,” ani Pacquiao sa American fighter na tumalo sa kanya via unanimous decision.
“I hope, Floyd Mayweather would learn a good lesson out of it,” dagdag pa ng Filipino world eight-division champion.
Ikinainis din ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang ginawang pandaraya ni Mayweather.
“It is very disturbing,” sabi ni Arum sa panayam ng USA TODAY Sports.
“Yeah, I am outraged. But I don’t know what we can do about it. I can’t change the result.”
Sinasabing nagpaturok si Mayweather ng dalawang saline at multivitamins at Vitamin C na katumbas ng 16 porsiyentong dami ng dugo sa isang normal na lalaki para labanan ang dehydration isang araw matapos ang kanilang weigh in ni Pacquiao.
Ang nasabing solutions ay hindi banned, ngunit ang maramihang pagtuturok nito ay ipinagbabawal ng World Anti-Doping Agency dahil maaari nitong takpan ang anumang illegal substances sa dugo ng isang atleta.
Nakakuha si Mayweather ng therapeutic use exemption (TUE) mula sa U.S. Anti-Doping Agency para sa kanyang IV treatment, ngunit humiling lamang nito ang American undefeated boxer noong Mayo 19.
Ipinagbigay-alam naman ito ng USADA kina Arum at sa Nevada State Athletic Commission noong Mayo 21 isang araw matapos nila itong aprubahan.
Kaya naman dismayado si Arum sa nangyari.
Kagaya ng dapat asahan, dumepensa si Mayweather sa naturang isyu.
“As already confirmed by the USADA statement, I did not commit any violations of the Nevada or USADA drug testing guidelines,” ani Mayweather sa ESPN. “I follow and have always followed the rules of Nevada and USADA, the gold standard of drug testing.”
Ipinagmalaki pa niyang siya mismo ang nagpumilit na magkaroon ng drug testing sa lahat ng kanyang mga laban.