MANILA, Philippines - Hinimok ni Senador Francis ‘Chiz’ Escudero na bigyan ng pamahalaan ng dagdag na suporta ang National Sports Associations (NSAs) na may makatotohanang programa para masungkit ang kauna-unahang gintong medalya sa Olympics.
“At the very least, government should be at the forefront of this campaign and reward NSAs which qualify their athletes in the Olympics through more financial support from the Philippine Sports Commission (PSC),” ani Escudero.
Idinagdag pa ni Escudero na sinasabing isa sa ikinokonsidera bilang bise president sa halalan sa 2016, na napag-iiwanan na ang Pilipinas ng mga bansa na dati ay tinatalo ng Pambansang atleta.
“Sports’ landscape has changed through the years. We have seen the rise of countries we used to beat in the SEA Games and we are fighting hard just to be able to make it in the middle pack,” dagdag nito.
Para sa 2016 Rio Games ay isa pa lamang ang lahok ng Pilipinas sa katauhan ni Eric Cray sa 400m hurdles sa athletics.
Isa pang inaasahang kukuha ng puwesto sa Rio ay ang Asian Games gold medalist sa BMX cycling na si Daniel Caluag.
Sina Cray at Caluag ay nagsabi na kailangan nilang bitiwan ang mga trabaho sa US para mag-focus sa mga events upang manalo ng medalya sa Rio.
Lumapit sina Cray at Caluag sa mga private sectors para sana masuportahan ang kanilang mga pangangailangan pero dapat din umanong tumulong ang pamahalaan ayon pa kay Escudero.
Noon pang 1996 sa Atlanta Olympics huling nanalo ng medalya ang bansa sa katauhan ni Mansueto “Onyok” Velasco sa larangan ng boxing.