Maigting na ang paghahanda ni Viloria vs Gonzalez

Brian Viloria

MANILA, Philippines – Lubos na ang paghahanda ni Brian Viloria para sa kanyang paghahamon kay WBC flyweight champion Roman (Chocolatito) Gonzalez ng Nicaragua sa Oktubre 17 sa Madison Square Garden sa New York City.

Ito ang sinabi ni Filipino trainer Marvin Somodio sa paghahanda ng ‘Hawaiian Punch’.

“It’s all business with Brian,” wika ni Somodio mula sa Los Angeles. “He’s in excellent shape.  I haven’t seen him in better condition preparing for a fight with a month to go. He weighs about 116 to 117 pounds so it won’t be a problem to get to 112 for the fight. Brian never stopped working out.  After his last fight, he was back in the gym right away.”

Pinatulog ni Viloria si Omar Soto sa first round sa kanyang huling laban noong Hulyo.

Nasa kanyang ikaapat na sunod na panalo ngayon si Viloria matapos maisuko ang mga suot na WBO at WBA flyweight titles kay Juan Francisco Estrada via split decision sa Macau noong April 2013.

Hindi na makapaghintay si Viloria para muling ma­ging kampeon.

Sinabi ni Somodio na nagre-report si Viloria kay strength and conditioning coach Frankie Escobedo tatlong beses sa isang linggo para sa kanyang kondisyon.

Habang hinihintay ni Viloria ang pagdating ni WBO lightflyweight champion Donnie Nietes, patuloy ang pakikipag-sparring niya kay veteran Rodel Mayol sa Wild Card Gym ni Freddie Roach sa Hollywood.

Makaka-spar ni Viloria si Nietes, lalabanan si Mexican challenger Juan Alejo sa Oktubre 17 sa Carson City.

Ang 34-anyos na si Mayol ang dating WBC lightflyweight champion na hindi pa lumalaban matapos noong September 2012.

Ayon kay Somodio, nakiki-spar si Mayol sa mga figh­ters sa Wild Card.

“Rodel fights like Chocolatito,” wika ni Somodio.

Show comments