Cardinals at Heavy Bombers babasagin ang pagkakatabla

MANILA, Philippines - Ang solong ika-limang puwesto ang paglalabanan ng host Mapua Cardinals at Jose Rizal Heavy Bombers, habang makakalas sa pakikisalo sa ikatlong  posisyon ang nais ng Arellano Chiefs sa second round ng 91st NCAA men’s basketball tournament ngayon sa The Are­na sa San Juan City.

Magkatulad na 6-5 baraha ang tangan ng Cardinals at Heavy Bombers na magtutuos sa alas-2 ng  hapon at ang magwawagi ay didikit sa mga nasa itaas para gu­manda ang pagnanais na makanakaw ng upuan sa Fi­nal Four.

Mainit ang Cardinals dahil naipanalo nila ang huling dalawang laro na kanilang tinuldukan sa pamamagitan ng 87-78 pangingibabaw sa San Sebastian Stags.

Si Josan Nimes ay nagbalik mula sa injury at gumawa ng 18 puntos at 6 assists para sa Mapua.

“I want to be a part of the team that made it to the Final Four,” wika ni Nimes na nasa huling taon ng paglalaro sa liga bago umakyat sa PBA.

Handa naman ang Heavy Bombers na tapatan ang intensidad ng kalaban para manalo at makabangon agad mula sa 75-83 pagkatalo sa San Beda Red Lions sa huling asignatura.

Tinalo ng Jose Rizal ang Mapua sa unang pagkikita, 90-87, at nakita ang katatagan ng tropa ni coach Vergel Meneses nang bumangon mula sa 18 puntos na pagkakalubog sa  huling yugto.

Si Bernabe Teodoro na gumawa ng 32 puntos sa na­sabing laro, 18 sa huling yugto, ang inaasahang ma­ngunguna para sa Heavy Bombers para walisin ang kanilang head-to-head nila ng Cardinals.

Ang Chiefs ay haharap naman sa Lyceum Pirates at mananalig si coach Jerry Codiñera na hindi magbabago ang ipinakikita ng mahusay na play maker na si Jiovani Jalalon upang pansamantalang solohin ang mahalagang ikatlong puwesto.

Galing ang Chiefs sa 84-77 overtime win kontra sa Perpetual Help Altas at si Jalalon ay gumawa ng kanyang pangalawang triple-double na 32 puntos, 15 assists at 10 rebounds.

 

Show comments