MANILA, Philippines - Hindi binigo ni two-time Olympian Hidilyn Diaz ang mga nananalig na makakalaro siya sa 2016 Rio Olympics nang magreyna sa women’s 53 kilogram division sa 26th Senior Women at 45th Senior Men Asian Weightlifting Championships kahapon sa Phuket, Thailand.
Isinantabi ni Diaz ang pagkakawala niya ng balanse at sumablay sa attempt sa snatch tungo sa pagtatala ng 96kg. bago isinunod ang 118kg sa clean and jerk para sa 214kg. total.
Sapat na ito para talunin niya sina North Korean Kim Su Ryon na nagtala ng kabuuang buhat na 208kg (95kg sa snatch at 113kg sa clean and jerk) at NguyenThi Thuy ng Vietnam na nakagawa ng 196kg. (84kg at 112kg) para sa silver at bronze medals.
Nagkaroon ng dalawang ginto si Diaz dahil ang mga marka niya sa snatch at clean and jerk ay ang pinakamataas.
Ito na ang ikalawang malaking panalo ng beterana ng Beijing at London Olympics matapos hirangin bilang kampeon sa 2015 South East Asian Weightlifting Championships.
Ang naitala rin ni Diaz sa clean and jerk at total ay mas mataas kumpara sa nasabing event.