MANILA, Philippines - Sumandal ang National University Bulldogs sa balanseng pag-atake para maisantabi ang matikas na hamon ng Emilio Aguinaldo College Generals, 25-23, 26-28, 25-18, 26-28, 15-11 panalo.
Si Fauzi Ismail, Madzlan Gampong, Francis Saura, Bryan Bagunas at Kim Malabunga ay naghatdi ng 23, 15, 13, 12 at 12 puntos para sa Bulldogs na kinapitan ang 11-3 blocks at 65-60 bentahe sa attacks para sa 1-0 kalamangan sa best-of-three series.
Bago ito ay nakita ang lakas ng Ateneo Blue Eagles sa 25-9, 25-22, 25-19 straight sets win laban sa NCBA Wildcats.
Angat ang Blue Eagles sa lahat ng departamento dahil may 45-25 agwat sila sa attacks, 9-4 sa blocks at 4-2 sa serve para sa madaling panalo.
Sina Marck Espejo at Rex Intal ay mayroong tig-13 puntos para pangunahan ang apat na Ateneo players na nasa double digits.