Gilas 2nd na lang ang habol Iran wagi sa Russia, kampeon na
Laro Ngayon (Xinchuang Gymnasium, Taipei)
1 p.m. Gilas PIlipinas vs Chinese-Taipei B
3 p.m. Japan vs Russia
5 p.m. New Zealand vs USA
7 p.m. Chinese Taipei A vs South Korea
TAIPEI – Pinatumba ng Gilas Pilipinas ang US select team na may matatanda at mahihina nang players, 78-74, para palakasin ang tsansa sa 2nd place sa 2015 Jones Cup dito Xinchuang Gymnasium kagabi.
Sa kabila ng hindi paggamit kina guards Jayson Castro, Terrence Romeo at Jimmy Alapag ay nagawa pa rin ng Nationals na iwanan ang Americans patungo sa kanilang pang-limang panalo sa one-round-robin competition na pinagharian ng Iran dahil sa kartadang 7-1.
Nauna nang tinalo ng mga Iranians, sinikwat ang pang-lima nilang Jones Cup crown, ang Spartak-Primorye ng Russia, 78-54.
Makukuha naman ng Gilas Pilipinas, ang four-time Jones Cup champion na huling nagkampeon noong 2012, ang second place sa panalo sa Chinese Taipei B ngayong hapon.
Sina Matt Ganuelas-Rosser at Gabe Norwood ang sumalo sa naiwang trabaho ng mga ipinahingang sina Castro, Romeo at Alapag para kunin ang 55-37 abante sa third period laban sa US team.
Samantala, kumpiyansa ang Samahang Basketbol ng Pilipinas na makakasama si Fil-Am NBA player Jordan Clarkson para sa kampanya ng Gilas sa 2015 FIBA Asia Championship na nakatakda sa Setyembre 23 hanggang 3 sa Changsha, China.
“It’s still a work in progress but with better clarity,” sabi ni SBP vice chairman Ricky Vargas matapos makausap sina Los Angeles Lakers team president Jeanie Buss at general manager Mitch Kupchak sa Los Angeles.
Ayon kay Vargas, payag ang mga Lakers officials na maglaro si Clarkson para sa National team sa long-term program.
Ngunit hindi pa malinaw kung papayagan si Clarkson na maglaro sa Asian meet dahil pag-uusapan pa ito ng mga Lakers coaches lalo na at nakatakda ang kanilang media day sa Setyembre 28 kasunod ang training camp sa Hawaii sa Setyembre 29 hanggang Oktubre 7.
Sa Asian meet, ang Oktubre 1 hanggang 3 ay para sa quarterfinals, semifinals at final.
Idinagdag din ni Vargas na naging positibo ang kanilang pakikipag-usap sa ama ni Clarkson na si Mike.
- Latest