Laro Ngayon
(The Arena, San Juan City)
12:45 p.m. Ateneo vs NU
3 p.m. UST vs FEU
MANILA, Philippines - Walisin ang quarterfinals ang hanap ng Ateneo habang puwesto sa Final Four ang pag-aagawan ng FEU at UST sa Shakey’s V-League Season 12 Collegiate Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Kalaban ng Lady Eagles ang NU Lady Bulldogs sa ganap na alas-12:45 ng hapon at ikapitong sunod na panalo para kapitan ang number one spot papasok sa semifinals ang nakataya sa Ateneo.
May 5-1 baraha ang NU at pasok na rin sa susunod na yugto pero nais ng koponan ni coach Roger Gorayeb na putulin ang pananalasa ng Lady Eagles para tumaas pa ang kumpiyansa ng mga manlalaro sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera.
Tiyak mainitan na bakbakan ang mapapanood sa ikalawang laro sa alas-3 ng hapon dahil ang magwawagi sa nagdedepensang kampeon Lady Tamaraws at Tigresses ay aabante na sa semifinals.
Magkasalo ngayon ang FEU at UST sa 4-2 karta at ang matatalo ay kailangang maghintay sa resulta ng labanan sa pagitan ng Arellano Lady Chiefs at St. Benilde Lady Blazers sa pagtatapos ng yugto bukas para malaman kung mangangailangan pa ng playoff.
May 3-3 karta ang Lady Chiefs at kung manalo sila ay makakatabla nila sa 4-3 ang matatalo sa UST at FEU.