Wagi sa Maldives sa friendly games Azkals pinalakas ang depensa sa pagharap sa Uzbeks
MANILA, Philippines - Hindi mangangapa ang Azkals sa pagharap nila sa Uzbekistan sa Lunes sa Philippine Stadium sa Bocaue, Bulacan.
Ayon sa kanilang manager na si Dan Palami, masu- sing pinag-aaralan ng national football team ang istilo ng Uzbekistan nang hinarap ang North Korea gamit ang tape ng labanan.
Nagwagi ang Koreans, 4-2, para makasalo ang Pilipinas sa 2-0 karta sa idinadaos na 2018 World Cup qualifiers.
“They should be focused and disciplined and utilize strong defense,” wika ni Palami.
Noong Huwebes ng gabi ay sumalang sa tune-up game ang Azkals sa bisitang Maldives sa Rizal Memorial Football Field at tinalo nila ito sa 2-0 iskor.
Masaya si coach Thomas Dooley sa nakikita sa mga bataan niya mula sa kanilang pagsasanay hanggang sa isinagawang friendly game.
“They have been working hard and playing great football. We have a great team where everybody works for everybody,” pahayag ni Dooley.
Alam naman ni Dooley na iba ang lebel ng Uzbekistan na nakakalaro sa AFC Asian Cup. Ang world ranking nito ay nasa 76th spot habang ang Pilipinas ay nasa 125th.
“The Uzbeks have international experience and technically good and have members who played in Asian and Russian leagues. For us to have a chance, we should not allow them to score first. If that happens, it would be difficult for us to recover,” dagdag ni Dooley.
Isa sa sasandalan ng Azkals ay ang hinahangad na suporta ng mga manonood para tumaas pa ang kanilang kumpiyansa.
Ito na ang ikalawang home game ng Azkals sa kompetisyon at nais nilang matulad ang Uzbeks sa sinapit ng Bahrain na kanilang tinalo, 2-1. Ang pangalawang panalo ay nakuha ng Azkals laban sa Yemen, 2-0.
Patuloy ang pagbebenta ng tiket para sa laro at ang mga presyo ay P531.80 para sa Zone 1, P331.14 sa Zone 2 at P125.40 sa Zone 3.
- Latest