Laro Ngayon
1 p.m. Taipei B vs Japan
3 p.m.– Iran vs Spartak
5 p.m. USA vs Philippines
7 p.m. Wellington vs Taipei A
TAIPEI -- Ipinakita ng 37-anyos na si Dondon Hontiveros ang kanyang pagiging beterano matapos kumamada ng tatlong three-point shots sa overtime para igiya ang Gilas Pilipinas sa 92-88 panalo sa Wellington Saints ng New Zeland sa 37th William Jones Cup kahapon dito sa Xinzhuang Gymnasium.
Bumangon ang Nationals mula sa 16-point deficit sa third period bago kalusin ang Saints sa extra period para sa kanilang 4-2 record sa torneo.
Para makuha ang korona ay kailangang walisin ng Gilas Pilipinas ang kanilang huling dalawang laro kasabay ng pagkatalo ng Iran (5-1) at host Chinese-Taipei (4-1).
Kung magkakaroon ng three-way tie ay idedetermina ang magkakampeon sa pamamagitan ng tiebreak system.
Itinala ng New Zealand ang 57-41 kalamangan bago pangunahan ni Jayson Castro ang ratsada ng Gilas Pilipinas para makalapit sa 70-72 agwat.
Naitabla ng Nationals ang iskor sa 78-78 matapos ang pagbibida nina Castro at Asi Taulava para makapuwersa ng overtime.
Nagsalpak naman si Hontiveros ng tatlong tres para sa 87-84 abante ng Gilas Pilipinas sa New Zealand.
Tuluyan nang tinapos ng Cebuano hotshot ang kanyang kabayanihan nang maipasok ang dalawang free throws sa natitirang pitong segundo.
Binanderahan ni Castro ang Nationals sa kanyang 22 points kasunod ang 21 ni Hontiveros, tig-11 nina Sonny Thoss at Calvin Abueva at 10 ni Taulava.
Gilas Pilipinas 92 - Castro 22, Hontiveros 21, Thoss 11, Abueva 11, Taulava 10, David 5, Norwood 3, Rosario 3, Pingris 2, Tautuaa 2, Ramos 2, Ganuelas-Rosser 0.
New Zealand 88 - David 31, Ruscoe 17, Devendorf 14, Turner 10, Newton 5, Ekenasio 5, Adams 4, Mills 2, Bloxham 0.
Quarterscores: 25-25; 32-42; 52-59; 78-78 (Reg); 92-88 (OT).