MANILA, Philippines - Binuksan ng UST ang kampanya para mabawi ang girls title sa 78th UAAP high school volleyball sa pamamagitan ng 25-15, 23-25, 25-7, 25-11 panalo sa UP Integrated School kahapon sa Adamson Gym.
Si Eya Laure ang nagdala ng laban sa Junior Tigresses na dinomina ang ikatlo at apat na set tungo sa 1-0 karta.
Naisuko ng UST ang kampeonato sa huling season nang natalo sa National University.
Ang NU ay bye sa pagbubukas ng liga at sasalang bukas sa ganap na alas-11 ng umaga kontra sa La Salle.
Nagwagi rin ang De La Salle Zobel sa FEU-Diliman, 25-17, 21-25, 25-21, 24-26, 15-13 habang nanaig ang UE sa Adamson, 25-20, 25-17, 24-26, 25-22.
Nagwagi rin ang Ateneo sa UPIS, 25-14, 25-19, 25-15 sa pagsisimula ng boys division.
Straight sets panalo rin ang naitala ng NU sa FEU-Diliman, 27-25, 25-21,25-20 habang bumangon ang UST mula sa pagkatalo sa opening set para sa 22-25, 26-24, 25-13, 25-23, tagumpay sa De La Salle-Zobel.
Ang UE na nagbabalak na kunin ang ika-12 sunod na kampeonato sa boy’s division ay magbubukas ng kampanya bukas laban sa NU sa alas-3:30 ng hapon.