BANGKOK – Walang ibang gustong makuha sina light flyweight Rogen Ladon at welterweight Eumir Felix Marcial kundi ang makapasok sa finals ng ASBC Asian Boxing Championships dito sa Thammasat University Gymnasium.
Makakatapat ni Ladon, tinalo ang mga boksingero ng Kyrgyzstan at Tajikistan, si Gan-Erdene Gankhuyag ng Mongolia sa semifinal round.
“Ready na po. Isa lang ang dapat gawin--maging aggressive,” sabi ng 21-anyos na si Ladon sa pagbangga kay Gankhuyag sa kanilang semifinals match.
Sasagupain naman ni Marcial, asam ang kanyang ikaapat na sunod na panalo, si Suzuki Yasuhiro ng Japan.
Nauna nang tinalo ni Marcial, ang gold medalist sa 2011 World Junior (15-16 years) Championships at ang reigning SEA Games champion sa 69 kg. sina Uulo Erkinbek Bolotbrk ng Kyrgyzstan at second seed Israil Madrimov ng Uzbekistan.
Binigo naman ni Marcial si Thai veteran Saylom Ardee noong Miyerkules.
“Beterano talaga. Magulang. Sobrang wais. Nahilo talaga ako sa third round. Halos hindi ko na siya makita,” sabi ni Marcial sa naging laban niya kay Ardee.
Sina Ladon at Marcial ang kumakatawan sa mga batang pambato ng Association of Boxing Alliances in the Philippines sa ilalim ni Ricky Vargas.
Dahil sa kanilang pagpasok sa semis ay kapwa nakasikwat sina Ladon at Marcial ng tiket para sa AIBA World Championships sa Doha, Qatar sa Oktubre na siyang qualifying event para sa 2016 Rio Olympics.
Puwede pang makalaro si flyweight Ian Clark Bautista, natalo sa quarterfinals kay Azat Usenaliev noong Miyerkules, sa Doha kung pupuwesto siya sa top six ng kanyang weight division sa pagtatapos ng torneo.