MANILA, Philippines - Bagong anyo man ang UE Red Warriors sa 78th UAAP men’s basketball ay hindi naman sila dapat biruin dahil handa silang makapanggulat laban sa mga makakatunggali.
Di tulad sa mga nagdaang taon na may mga foreign imports ang Warriors, ang tropang hawak ni coach Derick Pumaren ay maglalaro ngayon bilang isang All-Filipino.
Kung kulang pa ang hamon na ito, siyam sa kanyang bataan ay mga baguhan at lima rito ay nasa unang taon ng paglalaro. “We are a high school team when compared to the other UAAP teams,” wika agad ni Pumaren.
Hindi naman mangangahulugan na madaling kalaban sila dahil nakikita niya ang paghihirap ng mga players sa kanilang ensayo para mabigyan ng disenteng laban ang mga makakaharap.
Sina Chris Javier at Paul Varilla ang mga beteranong mangunguna ngayon sa koponan na noong nakaraang taon ay tumapos sa palabang 9-5 karta.
“Sa ngayon ay hindi ko masabi ang expectations ko sa magiging standing ng team. But I expect we will compete every night and try to carry us as far as we can. We will just surprise them,” dagdag ng beteranong coach.
Ito naman ang magandang taon para bumalik uli sa Final Four at posibleng makakuha uli ng titulo ang UST Tigers.
Wala na si Aljon Mariano pero 11 ang magbabalik na beterano sa pangunguna ng mga mahuhusay na sina Karim Abdul, Eduardo Daquioag Jr. at Kevin Ferrer.
“Sa kanila ako talaga aasa. Ang challenge ko sa kanila ay huwag nilang lisanin ang UAAP nang hindi nakakatikim titulo,” wika ng 2nd year coach na si Segundo dela Cruz.
Hindi naging maganda ang unang taon ni Dela Cruz sa liga dahil pumang-anim lamang ang UST (5-9) noong nakaraang taon para maputol ang dalawang sunod na pagtapak sa Final Four.
“Last year short ang preparation namin. For this season, mas mahaba ang preparasyon kaya naayos namin ang dapat na ayusin. Healthy rin kami kaya I expect the team to be competitive,” ani Dela Cruz.
Tumulong pa sa paghahanda ng UST ang PBA 4-time MVP na si Alvin Patrimonio kaya’t inaasahan na mas magiging malakas sa ilalim ang mga malalaking manlalaro ng Tigers na sina Abdul, Jeepy Faundo at Kent Lao.