Gilas pinayuko ng Iran sa Jones Cup
MANILA, Philippines – Bigo na namang muli ang Gilas Pilipinas kontra Iran, 65-74, sa 37th William Jones Cup ngayong Huwebes.
Hindi napigilan ng Gilas ang 7-foot-2 na si Haddadi na nagtala ng double-double performance na 22 markers at 14 boards upang pangunahan ang kanilang koponan at mapaganda ang kartada sa 6-1.
Dahil sa format ng liga na may pinakamaraming panalo sa isang round, malaki na ang tsansa ng Iran na maiuwi ang korona.
Laglag naman sa 3-2 standing ang Pilipinas na tumuon sa 12 points, pitong rebounds at tig-dalawang blocks at assists ng 42-anyos na si Asi Taulava.
Hindi maganda ang nilaro ni Terrence Romeo na may walong puntos lamang na pinasama pa ng left ankle sprain na natamo niya, habang anim na puntos lamang din si Calvin Abueva.
Susubukang bumangon ng Gilas bukas laban sa Wellington Saints.
Nagkita noong finals ng FIBA Asia Championship 2013 ang dalawang koponan, kung saan nagwagi ang Iran laban sa Gilas.
Kahit hindi naiuwi ng Pilipinas ang ginto ay pareho naman silang nakapasok ng Iran sa FIBA World Cup na ginawa sa Spain.
Maaaring muling magtatagpo ang landas ng Gilas at Iran sa paparating na 2015 FIBA Asia Men's Championship sa huling linggo ng Setyembre.
- Latest