BANGKOK – Tinalo ni Rogen Ladon ang second seed sa light flyweight na si Jurodjon Rasulov ng Tajikistan kahapon para umabante sa semifinals sa ASBC Asian Boxing Championships sa Thammasat University Gymnasium dito.
Hindi binigyan ng 21-anyos tubong Bago City na si Ladon ng anumang pagkakataon na makapagpasiklab si Rasulov tungo sa unanimous decision panalo para makatiyak din ng upuan sa AIBA World Championships sa Doha Qatar mula Oktubre 5 hanggang 15.
Ang mangungunang pitong boksingero sa nasabing dibisyon ang aabante sa World Championships na isang qualifying event para sa 2016 Rio Olympics.
“Nagdarasal ako dahil hindi ko sigurado kung nanalo ako,” wika ni Ladon sa pakiramdam habang hinihintay ang desisyon.
Makakalaban niya para sa puwesto sa championship round si Gan-Erdene Gankhuyag ng Mongolia sa Biyernes matapos ang rest day sa Huwebes.
Hindi naman pinalad si flyweight Ian Clark Bautista na makapasok sa semifinals nang matalo sa unanimous decision laban kay Asian Championships gold medalist Azat Usenaliev ng Kyrgyzstan.
Tanggal man sa medal race ay may tsansa pa siyang pumasok sa World Championships dahil pito sa kanilang dibisyon ang papasok.
Si welterweight Eumir Felix Marcial ay lumalaban pa kagabi kay Saylom Ardee ng Thailand at hanap na manalo para makapuwesto sa semis at sa World Championships habang sinusulat ito.