MANILA, Philippines – Isang naiibang road trip ang magpapasinaya sa espesyal na three-day motorcycle event simula sa Setyembre 11 para ipagdiwang ang ika-125 kaarawan ni dating Pangulong Elpidio Quirino at ang pang-44 founding anniversary ng Quirino Province.
Magkikita-kita sa event na tinaguriang “Quirino to Quirino (Q2Q)” ang mga motorcycle enthusiasts sa Quirino Grandstand sa Luneta at babagtasin ang kabuuang 350 kilometro patungo sa Quirino Province na pamamahalaan ang annual Governor Junie E. Cua Motocross Cup.
Ang nasabing event ay inilunsad kahapon sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Shakey’s Malate na pinangunahan nina Cua at Cory Quirino, ang trustee at president ng Elpidio Quirino Foundation.
“This is going to be the beginning of a tradition in honor of a President who led us and gave us legacies to remember,” sabi ni Cua sa Pangulong Quirino na nagsimula bilang isang barrio teacher para maging pinakamakapangyarihang Filipino noong 1948 hanggang 1953.
Ang okasyon ay hindi lamang para gunitain ang kaarawan ng dating Pangulong Quirino kundi para alalahanin ang kanyang mga ideyalismo at prinsipyo.