MANILA, Philippines – Hindi natinag ang Perpetual Help Altas at Arellano Chiefs sa ikatlo at apat na puwesto nang nagsipanalo sa mga katunggali sa 91st NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Maagang kumawala ang Altas sa Lyceum Pirates tungo sa 70-42 paglampaso na nangyari matapos kumulekta ang Chiefs ng 86-82 panalo sa St. Benilde Blazers.
Inilista ni Earl Scottie Thompson ang ikaapat niyang triple-double sa liga sa kinamadang 13 puntos, 12 rebounds at 10 assists para pangunahan ang pagbangon ng tropa ni coach Aric del Rosario mula sa 65-70 pagkatalo sa host Mapua Cardinals sa huling laro.
May career-high 15 puntos si John Ylagan na galing sa limang triples habang si Prinze Eze ay kumana ng nangungunang 18 puntos, 19 rebounds at 6 blocks para punuan ang pagkawala ni Bright Akhuetie.
Tumapos ang 6’6 forward na si Akhuetie taglay ang anim na puntos lamang dahil inilabas siya ilang minuto bago natapos ang first half nang nasaktan ang kaliwang balikat.
“Ito ang hinahanap kong laro, ang nagtutulungan ang lahat,” pahayag ni del Rosario na umakyat sa 8-3 baraha.
May 20 puntos si Jiovani Jalalon at nakipagtulungan siya kina Dioncee Holts at Allen Enriquez para umiskor ng 31 puntos ang Chiefs sa huling yugto at pawiin ang masakit na 112-114 double-overtime pagkatalo sa Jose Rizal University Heavy Bombers sa huling asignatura.
“We have moved on from our last game. We just played hard because it’s important for us to win this game,” ani Chiefs coach Jerry Codiñera na pansamantalang iniwanan ang JRU para sa ikaapat na puwesto sa 7-4 karta.